Nasaan na ang PAG-ASA ng mga pag-asa ng bayan?
Monday, June 4th, 2007Hunyo. Ito dapat ang panahon ng pagbabago para sa mga kabataan. Ito dapat ang panahon ng pagkilala sa karapatan nilang makapag-aral. Ngunit, sa ilang taong nagdaan, ang buwan ng Hunyo ang nagiging saksi sa pag-apak sa karapatang ito ng mga kabataang Pilipino.
Tuwing pasukan ay sinasabi ng pamahalaan na naihanda na nila ang lahat para sa bagong academic year. Handa na ang DepEd at CHED; handa na ang kapulisan; handa na ang MMDA. Ngunit handa na ba talaga sila sa pasukan?
Nagtapos ako sa isang pampublikong haiskul at sa isang state university. Sa walong taong iyon, nasaksihan ko ang gulo ng pasukan sa mga pampublikong paaralan. Ang pagdagsa ng mga napakaraming kabataan na nagnanais na makapag-aral; ang kawalan ng kakayahan na pagbigyan ang lahat; ang kakulangan ng kagamitan, silid-aralan, at guro. Ang ugat ng lahat ng ito ay ang papaliiit na budyet ng edukasyon sa bansa.
Hindi nakikita ng kasulukuyang pamahalaan ang tunay na kahalagahan ng edukasyon sa pag-unlad ng isang bansa. Para sa mga makapangyarihan, ang pagbabayad ng utang-panlabas at ang pagpapaunlad ng sandatahang lakas ang siyang magpapaunlad sa ating ekonomiya.
Walang masama sa pagbabayad ng utang lalo na kung ito ay ginamit para sa ikakaunlad ng bayan. Ngunit ang utang na sinasalo ng mga mamamayan ay hindi naman ginamit sa ikakaunlad nila kungdi ng iilan lamang.
Wala din namang masama sa pagpapaunlad ng sandatahang-lakas. Ayon sa batas, sila ang magbigigay ng proteksyon sa bayan. Ngunit, sa mga nagaganap sa ating lipunan, ang mga naatasang protektahan ang masa ay ang siyang nananakit sa mga ito.
Sa mga nagdaang Hunyo ay lalong tumitindi ang paniniil sa karapatan sa libreng edukasyon sa bayan. Ilang mga SUCs na ang nagsara. Ang dating mahigit sa walong daang SUCs, isang daan mahigit na lamang ang naiwang nakabukas. Tuluyan na kasi inabanduna ng pamahalaan ang mga state-run schools na ito. Unti-unting binabawasan ang kanilang budyet, lalo na ang MOOE.
Isa ito sa mga kondisyon ng IMF-WB sa pagpapautang sa atin. Isa itong indikasyon ng pagpapasapribado at pagkokomersalisa sa edukasyon sa bansa. Mismong ang Malacanang ang nagpapakita ng pagnanais na maging pribado at "independente" ang mga SUCs mula sa tulong ng pamahalaan.
Noong nakaraang Disyembre ay inaprubahan ang 300 porsiyentong pagtaas ng matrikula sa sinasabing premier state university ng bansa, ang Unibersidad ng Pilipinas. Kahit sa mahigpit na pagtutol ng mga mag-aaral at guro ay ipinasa pa din ng Malacanang-led Board of Regents ang pagtataas na ito. Para daw sa ikakaunlad ng academic community ng UP, pero sa katotohanan ay ito ay para lamang sa pagbabayad ng mga expense ng unibersidad sa kuryente, tubig, etc. Kaunlaran bang matatawag ito?
Ngayong pasukan, nasaksihan ang matinding pagbaba ng bilang ng mga freshman sa UP. Hindi kasi nila kaya na saluhin ang ganoongkalaking matrikula. Kahit na may STFAP na sinasabi ay hindi iyon nagbibigay ng seguridad sa mga freshman. Isang faulty na proseso lamang na nagpapanggap na tulong ang STFAP.
May mga magulang rin kaming nakausap na kinakailangan pang mangutang para lamang mapag-aral ang mga anak sa isang tinatawag na STATE U. Sinasabi nila na malaki pa din naman daw ang sinasagot ng estado sa matrikula ng mga bagong iskolar ng bayan. Hindi ba nila naisip na dapat nga ay libre ito, at isang sakripisyo na ang pagbabayad ng 300 pesos per unit noon. Ito ay dapat sagutin ng pamahalaan, hindi dapat pasanin ng mag-aaral.
Nitong nakaraang buwan lang ay narinig rin natin na pinanigan ng Malacanang ang pagtataas ng matrikula ng ilang pribadong eskwela. Ito daw ay para pagtaas ng akademikong pamantayan ng mga paaralan. Itinutumbas na naman nila ang halaga ng pera sa ganda ng pagtuturo. Hindi pa din ba sila natatauhan na isang maling pananaw ito. Napakadaming paaralan na naggagandahan ang mga pasilidad ngunit bulok naman ang paraan ng pagtuturo. At napakadaming paaralan na kulang sa pasilidad ngunit napakaganda ng kurikulum.
May ilang mga estudyante naman ay nagkikibit-balikat sa mga pagtaatas na ito, lalo na sa UP. SInasabi nila na ito daw ay isang sakripisyo na lamang nila para makapag-aral ang mga mas mahirap sa kanila. Gumising nga kayo sa katotohanan! Huwag kayong magpakabulag sa mga pangarap ninyong maging superhero. Hindi ba ninyo nakikita na sa pagpayag ninyo ay lumilikha kayo ng atmospera na ayos lang na abandunahin ng pamahalaan ang karapatan na dapat ay pantay-pantay natatanggap ng mga kabataan.
Mga kabataan, ipaglaban ninyo ang karapatang makapag-aral. Hindi dapat kayo magpadala sa maling panannaw na ikinakalat ng mga makapangyarihan sa lipunan. Huwag hayaang sila ang magdikta kung ano ang tama. Lumaban. Manindigan.
Ipaglaban ang karapatan sa edukasyon! Itaas ng subsidy sa edukasyon! Itigil ang komersalisasyon ng edukasyon!